Lipat-bahay
Okay.
Matagal din akong hindi nagsulat sa isang online journal. Iba-iba ang dahilan.
Isa sa mga dahilan: hindi ako kumportable. May friendster blog ako, oo. Ang problema, sa tuwing mag-a-update ako ng blog, may email notification na ipinadadala sa mga friendly-friends ko sa friendster. At kung kasali ka dun (at kung pinapatulan mo ang mga papansing blog announcement na pinadadala sa email), malamang alam mong batbat ng mga ligaw na pananaw at damdamin ang mga sulat na nandun. Wala. Pakiramdam ko lang, hindi lahat makaiintindi at di maiiwasang may mag-iisip na puro ka-ek-ekan lang ang mga yun. At least minsan ko lang ia-announce ang bago kong blog sa friendster. Minsanan lang ang update; at mga interesado lang talaga ang mapapadalaw.
Alam kong hindi ganun ang propesyonal (at kahit feeling lang, hindi ko pa rin magawang magpaka-propesyonal). Sa puntong ito, bumabalik sa isip ko ang sinabi ni Sir Jun Cruz Reyes:
“Walang kontrol ang artist sa kanyang obra. Paglabas nito, pag-aari na ito ng mambabasa…Huhubdan at huhubdan ng isang kritiko. Hindi makapagtatago, lalabas ang kahihiyan o ang kagandahan, ang lakas o ang limitasyon. Dito nagiging sensitibo ang isang artist. Di tulad ng karaniwang tao na maraming mukha, kaya maraming pagkakanlungan — iba sa harap ng magulang, iba sa harap ng titser, iba sa harap ng pari at ang malamang na mas malapit sa totoong mukha, sa harap ng mga pinakamatalik na kaibigan.”
Pilit kong isinisiksik sa isip ko ang sinabing ito ni Sir Reyes. Subalit, hindi pa rin ako makapagtagumpay. Siguro kasi, hindi ako artist. Gusto kong sumulat, higit sa kagustuhan kong maging manunulat. Magkaiba yun. Kaya siguro, feeling ko mas mahina ako pagdating sa parteng gusto kong maging manunulat. Mahina pa ang pundasyon ko pagdating sa mithiing yun. Kasi, madali pa rin akong matibag ng mga komento ng iba. Ayokong matangay ng mga papuri at kinatatakutan ko ang mga bisitang magbabasa at tahimik na lumilisan. Paranoid ako at yun ang mali. Tangna! Nagiging big deal tuloy ang blogging e! Pero promise, tatanggalin ko ito.
Ang gusto ko kasing harapin talaga ay ang sarili ko. At ang tangi ko lang namang hangarin— ay ang sumulat.
Isa pang dahilan, na katulad ng nauna, ay dulot pa rin ng kahinaan ko bilang isang nagsusulat. Isang pangyayari sa nagdaang taon ang nagpatuliro sa isip ko. Nalunod ako at di ko nagawang makasulat — hindi ako makasulat sa isang panahon kung kailan kailangang-kailangan kong maglabas ng nararamdaman. Pagkabigo. Pagdududa sa sariling kakayahan. Yan ang mga dahilan kung bakit bigla-biglang binura ko lahat ng laman ng friendster blog ko. Dahil hindi lahat ng higad ay nagiging paru-paro, yung iba nga nagiging ipis na lang. Yan ang pakiramdam ko. At dyan ko na gustong putulin ang salaysay. Masyado nang nagiging personal.
Sa ngayon, magsusulat pa rin ako (at magpapatuloy magtipa ng mga iniisip) — hindi lang para makahanap ng kakampi o kaaway mula sa mga bumabasa; kundi higit, para mas makapagpahayag ng mga pangarap, hinanakit, pagnanasa, pagmamahal, pagkabigo at iba pang mga saloobin at pananaw — nang malaya, walang pansariling takot at walang pagsasaalang-alang sa iisipin ng iba; upang mas makilala ko pa ang sarili ko o kaya’y magkaroon ako ng babalikan pagdating ng panahong kailangan kong ipaalala kung sino nga ba ako.